
Magdaleneans Dance Company, Wagi sa Dominican Dance Showdown 2024
January 16, 2025
Noong ika-25 ng Nobyembre, 2024, idinaos ang Dominican Dance Showdown- Interschool P-Pop Dance Contest sa D.R.A Hall ng St. Dominic College of Asia bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-21 anibersaryo ng nasabing paaralan. Tampok sa paligsahan ang limang mahuhusay na grupo ng mananayaw mula sa iba't ibang paaralan sa Cavite, na nagpakitang-gilas ng kanilang talento sa modernong P-Pop dance. Sa kabila ng mahigpit na kompetisyon ng limang pangkat, itinanghal bilang kampeon ang Magdaleneans Dance Company mula sa St. Mary Magdalene (Parochial) School, Inc. na may iskor na 93.91.
Nasungkit ng DPA Blazing Eagle Dance Company ng Del Pilar Academy ang ikalawang puwesto at nakatanggap ng ?5,000 at tropeo, habang ang Hiraya Indak mula sa Benedictine Institute of Learning ay pumangalawa na may kalakip na premyong nagkakahalagang ?3,000 at tropeo. Samantala, ang Magdaleneans Dance Company, na bumida at nangibabaw sa kanilang kahanga-hangang koreograpiya, kombinasyon ng teknikal na kahusayan at nakaaakit na presensya sa entablado, ay umuwi bilang kampeon kasama ang ?10,000 premyo at tropeo. Ang nasabing patimpalak ay nilahukan din ng SMAC Dance Warriors ng St. Matthew Academy of Cavite at Bacoor Groove Slayers mula sa APEC, na kapwa nagpakita ng matinding dedikasyon at determinasyon sa kanilang pagtatanghal.
Ang tagumpay at pagwawagi ng Magdaleneans Dance Company ay isa lamang patunay ng kanilang dedikasyon, husay, at pagmamahal sa sining ng pagsasayaw. Ang kanilang pagkapanalo ay nagsilbing inspirasyon hindi lamang sa kanilang paaralan kundi pati na rin sa kanilang kapwa kabataan na patuloy na hinahasa ang kanilang talento at sinisikap na maabot ang mas mataas na antas ng tagumpay hindi lamang sa larangan ng pagsasayaw kundi maging sa ibang aspeto ng kanilang buhay.
Mula sa Panulat ni:
Bb. Aileen B. Danday